ni
Camille C. Nagaño
LUNGSOD AGHAM NG MUÑOZ, Nueva Ecija – Humigit kumulang isang
libong kababaihang technical-vocational students mula sa iba’t ibang paaralan
sa Gitnang Luzon ang lumahok kamakailan sa isinagawang talakayan ng Technical
Education and Skills Development Authority (TESDA) na bahagi ng pagdiriwang ng
Buwan ng mga Kababaihan.
Ayon kay TESDA Regional Director Teodoro Gatchalian,
layunin nitong ipaalam sa mga kababaihan kung papaano makapagbibigay kontribusyon
sa ika-uunlad ng komunidad at ng bansa sa pangkalahatan.
Kabilang sa mga paskang pinag-usapan ang mga programa ng
ahensya, mga batas gaya ng Violence Against Women and their Children at pag-iingat
laban sa illegal recruitment.
Lubos na ipinagmalaki ni Gatchalian na base sa kanilang
datos, mas marami ang kababaihang nagsisipagtapos sa kanilang mga pagsasanay sa
rehiyon.
Ang ilan pa rito ay may sertipikasyon ng mga trabahong
dinodomina ng kalalakihan at in-demand sa ibayong dagat gaya ng welder at heavy
equipment operator.
Mas madali pa aniyang makuha sa industriya ng
pagwewelding ang mga kababaihan dahil mas pirmi ang kanilang mga pulso kaya’t
mas maganda ang paggawa.
Sa huli, sinabi ni Gatchalian na walang pinipili sa
pagkakaroon ng kasanayang teknikal at bokasyonal pagkat lahat ay pantay-pantay
kaya’t lahat ng kurso sa TESDA ay bukas kapwa sa kababaihan at kalalakihan.
(CLJD/CCN-PIA 3)