Friday, April 4, 2014

Talakayan hinggil sa mga karapatan, kakayahan ng mga kababaihan isinagawa ng TESDA


ni Camille C. Nagaño
 
LUNGSOD AGHAM NG MUÑOZ, Nueva Ecija – Humigit kumulang isang libong kababaihang technical-vocational students mula sa iba’t ibang paaralan sa Gitnang Luzon ang lumahok kamakailan sa isinagawang talakayan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng mga Kababaihan.
 
Ayon kay TESDA Regional Director Teodoro Gatchalian, layunin nitong ipaalam sa mga kababaihan kung papaano makapagbibigay kontribusyon sa ika-uunlad ng komunidad at ng bansa sa pangkalahatan.
 
Kabilang sa mga paskang pinag-usapan ang mga programa ng ahensya, mga batas gaya ng Violence Against Women and their Children at pag-iingat laban sa illegal recruitment.
 
Lubos na ipinagmalaki ni Gatchalian na base sa kanilang datos, mas marami ang kababaihang nagsisipagtapos sa kanilang mga pagsasanay sa rehiyon.
 
Ang ilan pa rito ay may sertipikasyon ng mga trabahong dinodomina ng kalalakihan at in-demand sa ibayong dagat gaya ng welder at heavy equipment operator.
 
Mas madali pa aniyang makuha sa industriya ng pagwewelding ang mga kababaihan dahil mas pirmi ang kanilang mga pulso kaya’t mas maganda ang paggawa.
 
Sa huli, sinabi ni Gatchalian na walang pinipili sa pagkakaroon ng kasanayang teknikal at bokasyonal pagkat lahat ay pantay-pantay kaya’t  lahat ng kurso sa TESDA ay bukas kapwa sa kababaihan at kalalakihan. (CLJD/CCN-PIA 3)

No comments: